
Balanseng Responsibilidad Tungo sa Pag-usad
Ni A. Mabini | Oktubre 3, 2026

Hindi kailangang mamili ng isang student-athlete sa pagitan ng silid-aralan at palaruan. Sa halip, kapwa dapat pagtagpuin ang dalawang larangang humuhubog sa kaniyang disiplina, kakayahan, at kinabukasan.
Hindi biro ang maging estudyanteng atleta. Sa isang banda, hinihingi ng akademikong gawain ang oras para sa pag-aaral, mga pagsusulit, proyekto, at iba pang tungkulin. Sa kabilang banda, nangangailangan naman ng matinding paghahanda, pagsasanay, at sakripisyo ang bawat laban. Kapag nagsabay ang klase at kompetisyon, oras at lakas ng mag-aaral ang unang nasusubok.
Hindi rin maikakaila na maaaring maging hamon sa akademikong pagganap ang pagsasabay ng pag-aaral at palakasan. Isang pag-aaral sa mga collegiate athlete ng Polytechnic University of the Philippines ang tumukoy sa akademikong stress bilang isa sa mga pangunahing stressor na nararanasan ng mga athlete-respondent.
Ngunit hindi nangangahulugan itong kailangang isantabi ang isa para mapagtagumpayan ang isa pa.
Maging ang DepEd ay kinikilala ang pangangailangang mapanatili ang school-sport balance ng mga student-athlete. Kabilang sa mga suportang itinatakda nito ang academic mentoring, parent-teacher conferences, at flexible learning delivery para sa mga panahong may training at kompetisyon.
Samakatuwid, hindi sapat na sabihing kailangang “piliin” ng atleta ang akademik o isports. Ang mas mahalagang tanong ay: Paano siya susuportahan upang magtagumpay sa pareho?
Isang halimbawa nito si Jeshe Basilio, varsity player ng Gabu National High School na patuloy na hinaharap ang hamon ng pagbabalanse ng kaniyang oras sa pag-aaral at pagsasanay. Sa kaniyang karanasan, malinaw na ang pagiging atleta ay hindi lamang nasusukat sa dami ng panalong naiuuwi kundi sa kakayahang panindigan ang iba pang responsibilidad bilang mag-aaral.
Hindi dapat maging hadlang ang palakasan sa edukasyon, at hindi rin dapat maging dahilan ang akademikong gawain upang tuluyang maputol ang pangarap sa isports. Sa halip, kailangang magkaroon ng malinaw na koordinasyon sa pagitan ng mag-aaral, guro, coach, magulang, at paaralan upang mapangalagaan ang parehong larangan.
Patunay rito ang National Academy of Sports, na idinisenyo upang pagsamahin ang de-kalidad na sekundaryang edukasyon at pagsasanay sa palakasan. Sa unang batch ng Grade 10 completers nito noong 2025, binigyang-diin ng DepEd na maaaring magsanib ang kahusayan sa akademiko at palakasan sa halip na ituring ang mga ito bilang magkasalungat na landas.
Sa huli, ang tunay na panalo ng isang student-athlete ay hindi lamang medalya sa leeg o mataas na marka sa card. Ito ay ang pagkakaroon ng disiplina upang pagsabayin ang pangarap, responsibilidad, at edukasyon.
Hindi akademik o isports.
Akademik at isports.
Sapagkat ang tunay na pag-usad ay hindi nasusukat sa kung alin ang isinakripisyo, kundi sa kung paano napagtagumpayan ang dalawa.


Basilio, pinangunahan ang GNHS Sharks; tiket sa Finals selyado na
Ni A. Mabini | Oktubre 3, 2026

Sa Bawat Tira, Pangarap ang Lumalagapak
Ni A. Mabini | Oktubre 3, 2026
Ano ang naramdaman mo tungkol sa artikulong ito?
Piliin ang reaksyong pinakamalapit sa iyong naramdaman.